Sa pagpili kung sino ang maglalaro para sa Montenegro sa FIBA EuroBasket 2025, kailanman ay hindi pinagdudahan ang commitment ni Nikola Vucevic.

Ang bituin ng Chicago Bulls ay sabik na makapaglaro sa kanyang ikaapat na FIBA EuroBasket ngayong tag-init, kung saan tutungo ang Montenegro sa Tampere, Finland upang harapin ang kampeon sa mundo na Germany, gayundin ang Lithuania, Sweden, at Great Britain sa Group B.

“Laging masarap ang pakiramdam na makapaglaro para sa bansa mo, lalo na sa isang malaking torneo kung saan nagtitipon ang lahat ng pinakamahuhusay na manlalaro,” ani Vucevic sa panayam ng Vijesti.

“Iba ang pakiramdam kumpara sa paglalaro para sa club. Iba ang atmosphere, ang chemistry ng mga manlalaro, ang energy… Isa lang ang national team na pwede mong paglaruan. Kinakatawan mo ang iyong mga kababayan – buong bansa ang nanonood. Isa itong espesyal na sensasyon.”

Inamin ni Vucevic na maaaring ito na ang kanyang huling pagkakataon na magsuot ng jersey ng Montenegro, ngunit handa siyang ibigay ang lahat sa kanyang “last rodeo.”

“Maganda ang pakiramdam ko. Matagal na akong nagsasanay at inaasahan kong 100% handa at malusog ako sa pagsisimula ng paghahanda. Maraming manlalaro ang umatras at hindi pa namin alam ang magiging sitwasyon pag nagtipon na kami,” aniya.

“Sa ngayon, wala akong partikular na inaasahan tungkol sa target — iniisip ko lang kung paano magiging takbo ng paghahanda, ang kondisyon ng team, at kung lahat kami ay malusog. Pagkatapos niyan, magkakaroon kami ng mas malinaw na ideya tungkol sa aming mga layunin.”

Kasabay ng karangalan at espesyal na pakiramdam ng pagsusuot ng jersey ng Montenegro, may kalakip din itong responsibilidad. Nais ng 14-year NBA veteran na magpakitang-gilas sa torneo kung saan hindi pa lumalampas ang Montenegro sa Round of 16 mula noong kanilang debut noong 2011.

Hindi magiging madali ang hamon lalo na sa pagkawala nina Bojan Dubljevic, Nikola Ivanovic, Nemanja Radovic, Dino Radoncic, Petar Popovic, Fedor Zugic, Luka Bogavac, David Mirkovic, at Andrija Grbovic. Gayunpaman, pinangungunahan ni Vucevic ang isang koponang alam ang bigat ng laban na naghihintay sa kanila sa Tampere.

“Mahirap ang grupong ito,” amin ni Vucevic. “May mga de-kalidad na manlalaro ang bawat team. May home court advantage ang Finland at tiyak na mataas ang motibasyon. Pinangungunahan sila ni [Lauri] Markkanen, isang napakahusay na manlalaro.

“May karanasan ang Lithuania, kahit pa may mga umatras sa kanila, nananatili pa rin silang malakas. Matindi at pisikal silang maglaro; laging mahirap kalabanin. Isa sa mga paborito ang Germany. Hindi ko gaanong kilala ang Great Britain at Sweden.”

Bagaman isa nang haligi ng national team mula pa noong EuroBasket 2011, muling binigyang-diin ni Vucevic na malamang ito na ang kanyang huling paglahok.

“Sa tingin ko pagkatapos ng EuroBasket, oo, ito na ang katapusan,” wika ni Vucevic.

“Ibibigay ko ang lahat, mag-eenjoy, at susubuking makamit ang pinakamagandang resulta. Nasa huling yugto na ako ng aking karera. Magbabago na ang focus ko – mas pipiliin ko ang magpahinga sa summer at makasama ang pamilya. Hindi pa ito 100% tiyak, pero sa ngayon, naniniwala akong ito na ang huli kong laro para sa national team.”

Mula nang kanyang senior debut sa EuroBasket 2011, nagtala si Vucevic ng career average na 12.9 points at 7.2 rebounds, kabilang ang kanyang pinakamahusay na stats na 19.8 points at 8.8 rebounds sa FIBA Basketball World Cup 2023 sa Pilipinas.

Sa labas ng court, nakabuo siya ng panghabambuhay na pagkakaibigan sa kanyang mga kakampi, lalo na kay Vladimir Mihailovic na sabay din niyang nag-debut noong 2011, at sa head coach na si Bosko Radovic.

Binigyang pahiwatig pa ni Vucevic na maaaring sabay silang magretiro ni Mihailovic, na magbibigay ng magandang pagtatapos sa kanilang matagal na pagsasama.

“Maaaring ito na rin ang huli naming laro para sa national team, huling EuroBasket,” sabi ni Vucevic.

“Isang napakagandang karanasan para sa aming dalawa. Magkaibigan kami sa labas ng court, kilala ng aming mga pamilya ang isa’t isa. Laging masarap maglaro nang magkasama – sa paghahanda, marami kaming oras na magkasama.

“Lumalagpas ito sa basketball. Ang magbahagi ng court at alaala kasama ang isang matalik na kaibigan – napakaespesyal niyan. Madalas naming pag-usapan ito. Maganda ang pakiramdam na mag-umpisa ng karera sa national team nang magkasabay at posibleng magtapos din nang magkasabay.”

Pinuri rin ni Vucevic ang kanyang magandang relasyon sa coach na si Radovic.

“Magaling ang ginawa ni Bosko Radovic mula nang hawakan niya ang team. Tatlong malalaking torneo, magagandang resulta—patunay iyon ng kalidad ng relasyon niya sa mga manlalaro. Ang tiwala at paraan niya ng pagbubuo ng team ay nagpapakita ng laki ng kanyang impluwensya.”

Pagdating sa prediksyon para sa kampeon ng EuroBasket 2025, itinuro ni Vucevic ang karatig-bansa bilang paborito.

“Pipiliin ko ang Serbia,” aniya. “Pinaka-kompletong team, may karanasan, at matagal nang magkasama. Pinangungunahan ni Nikola Jokic, ang pinakamahusay na manlalaro sa mundo. May kakayahan silang maging kampeon. Pagkatapos ng Serbia, Germany. Medyo humina ang France at hindi ako sigurado sa magiging roster ng Spain.”

Gayunpaman, nais pa rin ni Vucevic na makapasok ang Montenegro hangga’t maaari bago pag-isipan ang kanyang buhay pagkatapos ng EuroBasket.

Maranasan ang kasabikan ng EuroBasket 2025 at suportahan ang paborito mong koponan. Maging bahagi ng aksyon at sumali sa daily prediction challenge para manalo ng mga premyo — i-click ang button sa ibaba!

Balita at Kaugnay na Prediksyon